
MATAPOS umani ng kabi-kabilang batikos, agad na naglabas ng direktiba ang pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bawiin ang mga delatang ipinamahagi sa mga pamilyang apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Partikular na puntirya ng DSWD ang Ocean’s Best Tuna na di una nang inireklamo ng ilang residente bunsod ng masangsang na amoy at hindi kaaya-ayang lasa.
Sa isang viral video na kumalat sa social media, maging ang mga pusa nasuka nang ipakain sa kanila ang malabsang tuna – na gawa ng ‘hindi kilalang manufacturer.’
Sa kalatas ng ahensya, inanyayahan ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian ang supplier ng mga delata, kasabay ng direktibang itigil ang pamamahagi ng DSWD Family Food Packs sa nasabing lalawigan.
“DSWD Secretary Rex Gatchalian has already directed all Regional Field Offices to recall the canned tuna,” saad sa isang bahagi ng pahayag.
“The DSWD Secretary also directed concerned officials to study all options including sanctions on the supplier, withholding of payment and even blacklisting from the list of accredited suppliers,” dagdag pa ng ahensya.
Paglilinaw ng kagawaran, hindi pa naman anila expired ang delata batay sa inisyal na pagsusuri.