SA halip na masupil, mas lumawak ang negosyo ng mga pinaniniwalaang drug lords na malayang nakakapagbenta ng droga habang nakapiit sa loob ng San Ramon Prison and Penal Farm (SRPPF) na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Corrections.
Sa kalatas ng kawanihan, naglabas ng direktiba si BuCor Director General Gregorio Catapang sa pamunuan ng SRPFF na maglunsad ng malalimang imbestigasyon hinggil sa nadiskubreng bulilyaso sa naturang piitan sa lungsod ng Zamboanga.
Puntirya ng direktiba ang di umano’y pakikipagsabwatan ng mga BuCor personnel sa mga persons deprived of liberty (PDL) na nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa droga.
Kamakailan lang, dinakip ang maybahay ng isang bilanggo sa pagtatangkang magpuslit ng droga sa loob ng piitan. Kinilala ang suspek sa pangalang Aharayam Jaidi.
“Jaidi was turned over to the Zamboanga Police Station for investigation and appropriate filing of the case,” dagdag-pahayag ng BuCor.
Sa ulat ni SRPPF C/Supt. Vic Domingo Suyat kay Catapang, sinabi nitong nagsimula silang mag-imbestiga sa pinanggagalingan ng droga matapos mahuli sa akto ang apat na preso habang gumagamit ng droga sa loob ng selda.
“This prompted the SRPPF officials to subject the eight PDLs who shared the same cell to a drug test and seven including the husband of Jaidi were found to be positive for drug use.”
Inilipat na umano sa tinaguriang ‘preventive cell’ ang mga nabulilyasong preso, habang suspendido naman ang dalaw sa mga preso para bigyang-daan ang malalimang imbestigasyon.