WALANG lugar sa bayan ng Angono ang karahasan sa mga bata, ayon kay Mayor Jeri Mae Calderon, kasunod ng rescue operation na ikinasa ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa tatlong batang biktima ng pagmamalupit ng kamag-anak.
Sa kalatas ng Angono Public Information Office, nakatanggap ng impormasyon ang si Calderon mula sa mga kapitbahay ng tatlong paslit hinggil sa pang-aabuso, pananakit at pagmamalabis ng mga kaanak sa tatlong batang nakatira sa Barangay Kalayaan ng nasabing bayan.
Agad na inatasan ng alkalde ang MSWDO na magtungo sa Barangay Kalayaan para beripikahin ang sumbong. Ang resulta – positibo, hudyat para agad na sagipin ng municipal social workers ang tatlong batang edad anim pababa.
Tumanggi naman pangalanan ng Angono MSWDO ang mga biktima, bilang proteksyon alinsunod sa Republic Act 7160 na mas kilala sa tawag na Anti-Child Abuse Law.
Sa pagsusuri ng medico legal, lumalabas na nagtamo ng multiple hematoma sanhi ng labis na pagmamalupit ang mga biktimang agad na dinala sa Bahay-Kalinga para sa wastong pangangalaga.
Gayunpaman, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng lokal na pamahalaan habang inihahanda ng MSWDO ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek.
