ISANG landing craft tank (LCT) ang sumadsad sa katubigan ng Barangay Busay, San Jose, Romblon kung saan 19 tripulante, kabilang ang kapitan ang nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sinabi ng PCG na ang LCT Ellis Mari IV ay may sakay na 40 bags ng tanner cement, 120 cubic meters ng buhangin, 120 cubic meters ng graba, at limang drum ng diesel.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, umalis ang LCT sa Odiongan Port, Romblon, dakong alas-8 ng umaga.
Nagsasagawa na ito ng engine docking maneuver sa Barangay Busay bandang alas-tres ng hapon nang sumadsad dahil sa malakas na hangin at agos.
Agad namang tumugon ang PCG sa nasabing insidente.
Ang mga lokal na diver ay nagsagawa ng inspeksyon sa pinsala sa barko at nakakita ng mga maliliit na gasgas sa starboard (kanan) na bahagi malapit sa stern (likod) na lugar.
Pinayuhan ng PCG team ang kapitan na maghain ng marine protest para idokumento ang insidente para isumite sa PCG at MARINA.
