
TIMBOG sa operasyon kontra droga na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lungsod ng Baguio ang isang Chinese national na pinaniniwalaang bahagi ng malaking sindikato.
Sa kalatas ng PDEA, arestado ang suspek na nakilala sa pangalang Hui Ming, alyas ‘Tan’ matapos salakayin ng mga operatiba – sa bisa ng isang search warrant mula sa korte – ang inuupahang bodega sa Barangay Irisan ng nasabing lungsod.
Narekober sa target na lugar ang mahigit 575 kilo ng shabu na nakasilid sa 500 ‘tea bags’ na markado ng panitik na Intsik.
Sa pagtataya ng mga operatiba, papalo sa P4 bilyon ang halaga ng mga nasamsam na kontrabando sa Intsik na target ng operasyon kontra droga sa Cordillera Administrative Region.
Patuloy ang imbestigasyon sa dinakip na Intsik sa hangaring matukoy at madakip ang iba pang miyembro ng sindikato.
Nakatakda na rin sampahan ng kaso ang suspek, ayon sa PDEA.
Samantala, binigyang pagkilala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., ang PDEA at mga katuwang na ahensya sa likod ng tagumpay na operasyon.
“This is a continuing operation. Ang approach dito ay whole-of-nation approach – hindi lang ang PDEA ang gagalaw, hindi lang ang kapulisan o ang NBI – sanib-pwersa po ito,” aniya.
“Sa mga taga-Cordillera, huwag kayong mabigla, dahil ang pag-imbak dito ay hindi naman for distribution dito sa Cordillera. Ito ay malamang na ididistribute sa iba pang mga lugar, kaya apektado po ang buong bansa dito,” dagdag pa ng kalihim sa isang pahayag.