
(2nd UPDATE: Umabot na sa 31 katao ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa nasunog na pampasaherong barko sa Basilan, ayon kay Richard Falcatan na tumatayong Public Information Office chief ng pamahalaang panlalawigan.
(1st UPDATE: PUMALO na sa 12 katao ang kumpirmadong nasawi sa trahedya sa Basilan.
SAMPU ang kumpirmadong patay habang pitong iba pa ang target ng search and rescue operation matapos masunog ang sinasakyang pampasaherong barko sa pantalan ng Basilan.
Ayon kay Nixon Alonzo na tumatayong hepe ng Basilan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO),bukod sa apat na sunog na labi na narekober sa MV Lady Mary Joy 3, nakuha naman sa karagatan ang anim na iba pang pinaniniwalaang nalunod matapos tumalon sa karagatan.
“Bale total po, according sa nalaman namin, apat na ang naiwan namin dito sa barko (MV Lady Mary Joy 3) tapos noong dumating kami sa may port ng Isabela, may anim din namatay. So all in all, 10 po ‘yung mga namatay po,” ani Alonzo sa isang panayam sa radyo.
“Nakuha sila sa barko na patay or tumalon kasi yung iba sa dagat. Either nalunod or may mga nakita rin kami na signs na yung iba ay sunog din,” dagdag pa niya.
Umabot naman sa 195 pasahero at 35 crew ang nasagip mula sa nasusunog na passenger vessel.
Sa imbestigasyon, nakatakda sanang maglayag ang MV Lady Mary Joy 3 patungo sa Jolo, Sulu mula pantalan ng Baluk-Maluk Island nang sumiklab ang sunog pasado alas 11:00 Miyerkules ng gabi.
Patuloy ang search and rescue operations sa bisinidad ng Baluk-Baluk Island sa Hadji Muhtamad, Basilan, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard na nakabase sa Basilan.
Samantala, sinusuri na rin ng Coast Guard Station Basilan ang karagatan sa layong mabatid kung may tumagas na langis sa karagatan.