Ni ESTONG REYES
BLANGKO ang Palasyo sa susunod ng hakbang matapos mapag-iwanan ang Sulu na binalangkas na panukalang national budget para sa 2025 matapos magdesisyon ang Korte Suprema na hindi bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang naturang lalawigan.
Ayon kay Senador Francis Tolentino, hindi pinaghandaan ng Malacañang ang aniya’y back-up plan sa paghiwalay ng Sulu sa BARMM.
Hindi rin aniya alam ngayon ng Palasyo kung paano maisisingit ang budget ng Sulu lalo pa’t umusad na ang budget deliberations sa Senado at Kamara.
Pag-amin ng senador, tinanong na rin niya diumano ang iba’t ibang cabinet members kung paano mabibigyan ng budget sa 2025 ang Sulu dahil nakapaloob na sa BARMM ang alokasyon ng nasabing probinsya.
“Lahat ng ina-attend-nan kong committee hearing, walang makasagot na Cabinet member kasi hindi sila prepared,” wika ni Tolentino sa panayam sa radyo.
Mungkahi ni Tolentino sa mga kapwa mambabatas, ayusin muna ang 2025 national budget para maisama ang bukod na budget para sa Sulu.
Base sa desisyon ng Korte Suprema, walang basehan ang pagpasok ng Sulu sa BARMM matapos ibasura ng mga residente ng nabanggit na lalawigan ang Bangsamoro Organic Law (BOL) sa bisa ng plebisito noong taong 2019.
