TALIWAS sa inaasahan ng mga obrero sa Bicolandia, nilinaw ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng Department of Labor and Employment (DOLE) na walang magaganap na anunsyo sa kaugnay ng balitang dagdag-sahod sa hanay ng mga minimum wage earners sa naturang rehiyon.
Ang dahilan — hindi pa nakakatanggap ng petisyong humihiling ng umento sa umiiral na P395 daily minimum wage ang RTWPB na nakabase sa Bicol region.
Gayunpaman, tiniyak ng RTWPB na rerepasuhin ng ahensya ang minimum wage batay sa kalagayan ng mga Bicolano workers kesehodang may petisyon man o wala.
Samantala, nilagdaan na ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang appointment ni Imelda Gatinao bilang bagong direktor ng DOLE Bicol kapalit ni Zenaida Angara-Campita na pumanaw kamakailan.
