WALANG lugar ang kasakiman sa South Cotabato! Ito ang giit ng mga miyembro ng SOCOTECO II sa isinagawang kilos protesta sa General Santos City laban sa nakaambang takeover ng Manila Electric Company (Meralco) sa lokal na kooperatiba sa nabanggit na probinsya.
Bukod sa Meralco, kinalampag ng mga miyembro ng kooperatiba ang Sangguniang Panlungsod para manindigan sa para sa proteksyon ng ng mga residente laban sa dambuhalang kumpanya.
Bitbit ang naglalakihang placards, kinastigo ng mga demonstrador ang Meralco na tinawag na ganid sa kita.
Saklaw ng SOCOTECO II ang General Santos City, South Cotabato at Sarangani.
Ayon kay Datu Imran Sumalampong na tumatayong lider at tagapagsalita ng mga raliyista, lantad na sa mga mamamayan sa katimugan ang walang kwentang serbisyo ng Meralco na aniya’y habol lang ang kita.
“Hindi nga nila mabigyan ng maayos na serbisyo ang mga taga-Luzon… kami pa kayang taga Mindanao,” wika ni Sumalampong.
Ang masaklap pa aniya ay ang mataas na singil ng naturang kumpanya.
