BUHAY ng isang 60-anyos na katutubo sa bayan ng Datu Hoffer Ampatuan sa lalawigan ng Maguindanao del Sur ang naging kapalit matapos pumalag laban sa grupong umano’y umaangkin sa minanang ancestral land.
Sa ulat ng lokal na pulisya, kinilala ang biktima sa pangalang Nel Lupos, 60 ng Teduray-Lambangian community at dating kagawad ng Barangay Mantao.
Sa imbestigasyon, natagpuan ang bangkay ng biktima sa tabi ng maputik na kalsada pasado alas-6:00 ng gabi.
Ayon kay tribal chieftain Leticio Datuwata ng Timuay Justice and Governance, pinasok ng mga armadong kalalakihan ang kubo ni Lupos sa kanyang sakahan.
Ilang saglit pa, kinaladkad umano palabas ng kubo si Lupos.
Bago pa man ang naturang insidente, isang grupo umano ng mga kalalakihan ang nagtungo sa tahanan ng biktimang binigyan ng ultimatum lisanin ang Barangay Mantao.
Ayon sa tribo, ikalawa na si Lupos sa mga pinaslang ng nasabing grupo. Partikular na tinukoy ang tribal leader na si Baywan Angan na pinaslang noong Disyembre ng nakalipas na taon. (EDWIN MORENO)
