SA paglabas ng panibagong mandamiento de arresto, agad na tinungo ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang 30-ektaryang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Compound sa Barangay Buhangin sa lungsod ng Davao.
Gayunpaman, sadyang madulas ang pakay ng warrant na si KOJC founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon sa NBI Davao Regional Director Archie Albao, tatlong warrant of arrest ang bitbit ng mga operatiba sa KOJC Compound. Pero tulad ng dati, maski anino ng puganteng televangelist at maging ng iba pang akusado hindi nakita ng NBI.
Pag-amin ni Albao, inabot ng isang oras ang paghahatid ng tatlong warrant of arrest.
Samantala, nagpasaring naman si Atty. Israel Torreon na tumatayong abogado ni Quiboloy.
Aniya, hindi naman kailangan magdala ng armas kapag nagsisilbi ng warrant. Pagtitiyak pa ng abogado, papapasukin naman di umano ng mga caretaker ang mga pulis o NBI – pero dapat may tamang koordinasyon.
