DISKWALIPIKADO na, mag-aabono pa. Ito ang sitwasyon ni dating Albay Gov. Noel Rosal at asawang Legazpi City Mayor Carmen Geraldine Rosal matapos katigan ng Korte Suprema ang rekomendasyon ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng pondong nilustay sa pangangampanya.
Sa desisyon ng Supreme Court En Banc, kapwa inatasan ng Korte Suprema ang mag-asawang Rosal na ibalik sa gobyerno ang hindi bababa sa P6-milyong ipinamahagi noong taong 2022 sa kabila ng umiiral na election ban.
Partikular na tinukoy ng Korte Suprema ang Notice of Disallowance na inilabas ng COA sa P26-milyong ayuda sa mga tricycle driver – bukod pa sa tulong pinansyal sa mga 23,302 senior citizens at dagdag-insentibo sa empleyado ng lokal na pamahalaan sa lungsod ng Legazpi sa kainitan ng panahon ng kampanya.
Ito ang naging sanhi ng diskuwalipikasyon ni dating Legazpi City Mayor Noel Rosal bilang gobernador ng Albay at disqualification din ni Carmen Geraldine Rosal na noo’y tumatakbo bilang alkalde ng lungsod kapalit ng kanyang asawa. Nakabinbin ang apela sa Korte Suprema.
Dahil sa kontrobersiya, nagpasya ang Commission on Elections (Comelec) na idiskwalipika silang dalawa.
Wala pang pahayag mula sa kampo ng mga Rosal.
