BUNSOD ng matinding epekto ng El Niño, tuluyan nang isinailalim sa state of calamity ang nasa 18 lugar sa bansa, ayon sa ulat ng Task Force El Niño.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro na tumatayong tagapamuno ng task force, kabilang sa iniinda sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang pagkatuyo ng mga lupang sakahan – dahilan para mawalan ng kabuhayan ang daan-daang libong magsasaka.
Sa talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang sa mga isinailalim sa state of calamity ay 11 bayan sa Occidental Mindoro; Bulalacao at Mansalay; Oriental Mindoro; San Vicente Palawan; San Andres, Romblon; Mayoyao, Ifugao; Sinaloa, Antique at Zamboanga City.
Inaasahan din ang pagdedeklara ng iba pang apektadong lokalidad ng state of calamity dahil sa patuloy na epekto ng El Niño phenomenon.
Alinsunod sa panuntunan ng NDRRMC, pwedeng gamitin ng mga apektadong lalawigan, lungsod at munisipalidad ang calamity fund para tulungan ang mga apektadong mamamayan at tugunan ang inilugmok na kabuhayan ng El Niño.
Base sa datos ng NDRRMC, 54,203 magsasaka at mga mangingisda o katumbas na 105,816 pamilya ang apektado ng heat index.
Apektado rin ang 53,879 ektaryang lupain sa Regions I, II, III, Cordillera Administrative Region (CAR) CALABARZON, MIMAROPA, V, VI, IX at XII.
Sa pinakahuling pagtataya, umabot na sa P2.63 bilyon ang pinsala ng El Niño sa mga naturang lugar.
