Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KINASTIGO ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang Office of Civil Defense (OCD) maging ang local government unit ng Maco, Davao de Oro dahil sa kapabayaan sa nangyaring landslide sa Maco, Davao de Oro na ikinamatay ng 98 katao, bukod pa sa siyam na nawawala.
Sa pagbubukas ng House Committee on Disaster Resilience (sa pangunguna ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong) hayagang sinabi ni Tulfo na naiwasan sana ang trahedya kung umaksyon ng tama ang lokal na pamahalaan at maging ang OCD.
“Maraming insidente ng landslide bago yung mismong landslide na marami ang namatay. Kung ginawa nila ang trabaho nila hindi ito mangyayari,” pahayag ni Tulfo.
Sa pagdinig, ibinunyag ni Tulfo ang naganap na serye ng pagguho ng lupa sa naturang lugar bago ang mismong araw ng trahedya – batay sa sumbong ng mga katutubo sa nasabing lokalidad.
Katunayan pa ayon kay Tulfo, ipinagbigay-alam ng mga katutubo sa lokal na pamahalaan ang mga insidenteng naganap sa Barangay Mainit – Enero 12 at 13, 2023 sa Purok Waling-Waling at Marso 2023 sa Purok Durian
Tatlo pang landslide pa ang naitala nitong Enero 2024 na ikinamatay ng isa katao sa iba’t ibang lugar sa Maco o ilang araw bago ang malagim na trahedya sa Maco nitong Pebrero 6.
Nang tangunin ni Tulfo si Maco Mayor Voltaire Rimando at Warren Lucas ng Operations Service ng OCD, kapwa nila inamin na hindi nakarating sa kanila ang ulat sa mga naturang landslide.
Gayunpaman, aminado ang Mines and GeoSciences Bureau (MGB) na nakatanggap ang naturang ahensya ng mga ulat ng landslide sa lugar.
“Wala rin? So mga walang silbi ang mga ahensya natin. Walang silbi ang OCD buwagin na lang natin siguro. Maging siguro itong munisipyo. So gawa-gawa lamang ng mga IPs itong report sa akin na may mga landslide tayo,” galit na pahayag ni Tulfo.
Hindi naman nagustuhan ni Adiong ang sagot ng OCD na nakakatanggap lamang sila impormasyon sa tuwing may 10 o higit pang nasawi.
“I could not take that. Hindi ako makapaniwala na ang tinatanggap niyo lamang na report ay kapag may namatay na 10 pataas. That is unacceptable,” ani Adiong.
Tila nakakuha naman ng kakampi ang mga mambabatas kay DSWD Usec. Dian Rose Cajipe, Disaster Risk Management Group, matapos nitong ihayag na nakikiisa sila sa pagdinig ng Kongreso dahil maging ang kanilang ahensya ay naniniwala na kung ginawa ng ayos ang trabaho sa lugar ay posibleng naagapan ang insidente.
“It could be prevented, we are one without lawmakers in this inquiry to prevent another incident like this,” ani Cajipe.
Binatikos naman ni Deputy Majority Leader Wilter Palma, ng 1st District ng Zamboanga Sibugay ang alkalde ng Maco dahil sa kapabayaan nito na hindi agad pinalikas ang kanilang mga residente sa kabila ng sunod-sunod na landslide sa lugar.
“Nagpabaya ka,” ani Palma na iginiit na hindi ginampanan ng alkalde ang kanyang trabaho.
Kinastigo rin ni Tulfo ang local government maging ang MGB dahil sa pagpayag na magtayo ng mga gusali sa bayan sa kabila ng matagal na itong idineklara na “no build zone” noon pang 2008.
“Bakit niyo pinayagan noong 2017 ang LGU ng eskwelahan doon may mga bata na nag-aaral diyan,” ani Tulfo.
