ANG lalawigan na tinaguriang paraiso ng mga fuel smugglers, literal na binulabog ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), matapos salakayin ang umano’y bagsakan ng mga produktong petrolyong palihim na pinuslit sa bansa.
Sa kalatas ng CIDG, timbog sa operasyong ikinasa sa Barangay Del Pilar sa bayan ng Naujan, lalawigan ng Oriental Mindoro ang isang nagngangalang Marcial matapos mahuli sa akto ng pagbebenta ng smuggled fuel.
Batay sa paunang imbestigasyon, lumalabas na taga-Calapan City ang suspek na nakuhanan ng hindi bababa sa 21,000 litro ng smuggled na krudong may katumbas na halagang P1.26 milyon.
Babala ni Torre, mas paigtingin pa ng CIDG ang operasyon hindi lang aniya sa fuel smuggling, kundi maging sa iba pang iligal na negosyo.
Hinimok din ng heneral ang publiko na isumbong ang anumang uri ng kalakalang pasok sa kategorya ng economic sabotage. (EDWIN MORENO)
