NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TUMATAGINTING na P139 milyong cash aid ang ipinamahagi ng administrasyong Marcos sa halos 30,000 residente ng Davao region sa ilalim ng programang Ayuda Para sa Kapos ang Kita (AKAP).
Katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na opisyales, personal na pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang apat na araw na payout na isinagawa mula Oktubre 18 hanggang 21.
Ayon kay Romualdez, ang patuloy na kalinga sa mga maralita sa anyo ng ayuda katuparan sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pababayaan ang kapakanan ng mga Davaoeños.
“Malasakit at pagmamahal ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang siyang nagtutulak sa amin para tiyaking ang bawat Pilipino, lalo na ang mga taga-Davao, ay hindi napapabayaan. Patuloy po kaming magtatrabaho upang masiguro na nasa mabuting kalagayan ang inyong kabuhayan,” wika ni Romualdez.
“Sa utos ni Pangulong Marcos at sa pamumuno ni Speaker Romualdez, nais naming tiyakin na makarating ang tulong sa mga higit na nangangailangan. Ang AKAP program ay tugon para makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin,” dugtong ng lider ng Kamara.
Si dating Civil Service Commission (CSC) Chair Karlo Nograles ang namigay ng ayuda sa Davao City noong Lunes kung saan kabuuang P14.5 milyon ang ipinamahagi sa 4,859 benepisyaryo.
Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada, layon ng aktibidad tulungan ang mga marginalized sector partikular ang mga kapuspalad.
Sinabi ni Gabonada na nangyari ang pamimigay ng ayuda sa Davao del Norte noong Oktubre 18 kung saan kabuuang P48.625 milyon ang ipinamahagi sa 9,725 benepisyaryo na nakatanggap ng tig-P5,000.
Kasama sa mga benepisyaryo ang mga guro, non-teaching school personnel, empleyado ng mall, staff ng pribadong ospital, at mga residenteng maliit ang kita.
Noong Oktubre 19 at 20 ay namigay naman ng tig-P5,000 o kabuuang P76.610 milyon sa 15,322 benepisyaryo sa Davao de Oro. Kasama sa mga natulungan ay mga barangay workers, school personnel, at mga manggagawang kakarampot ang kita.
Kasama rin sa tinulungan ang mga pobreng estudyante sa bisa ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
“Nakita natin ang pagtutulungan ng national at local government upang masigurong mabilis at maayos ang distribusyon ng tulong sa Davao de Oro,” sambit ni Gabonada.
Noong Oktubre 21, isinagawa naman ang payout sa Davao City kung saan P14,577,000 halaga ng cash aid ang ipinamahagi sa 4,859 benepisyaryo. Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng P3,000.
“Ang inyong kapakanan ang laging nasa isip ni Pangulong Marcos. Kaya patuloy po tayong magtutulungan upang masiguro na maipagkaloob ang mga kinakailangang ayuda, lalo na sa mga tulad niyong higit na nangangailangan,” sambit naman ni Nograles.
Nagpasalamat din ang dating CSC chairman sa national government sa pagtulong sa mga Davaoeños.
“Lubos akong nagpapasalamat sa administrasyon ni Pangulong Marcos at kay Speaker Romualdez sa kanilang malasakit at suporta sa mga Davaoeños. Sa tulong ng AKAP, mas marami ang natutulungan sa ating mga kababayan dito sa Davao City,” ani Nograles.
Samantala, kinilala ni Romualdez ang mga opisyal ng pamahalaang nasyonal at mga local government units sa tagumpay ng AKAP.
“Napakahalaga ng suporta ng mga lokal na lider tulad ni Atty. Karlo Nograles upang maging matagumpay ang mga ganitong proyekto,” bulalas ni Romualdez.
Tiniyak din ng lider-kongresista ang patuloy pang pagpapalawig ng tulong na inihahatid ng gobyerno sa mga maralita para sa mas mabilis na pagbangon.
“Patuloy kaming maghahatid ng tulong sa mga komunidad na higit na nangangailangan, lalo na sa mga probinsya ng Davao. Ang ating administrasyon ay nakatuon sa pagbibigay ng pangmatagalang solusyon para sa ikauunlad ng buhay ng bawat Pilipino,” pahabol ni Romualdez.
