SA halip na paghandaan ang nalalapit na panahon ng kampanya, depensa sa kasong kriminal ang inaasahang pagtutuunan ni reelectionist Leyte 4th District Rep. Richard Gomez matapos sampahan ng kaso ng isang barangay chairman.
Kabilang sa mga asuntong inihain sa piskalya laban kay Gomez at 12 iba pa ang conspiracy, grave coercion at grave threat bunsod ng di umano’y pamumuwersa chairman Darlito Nuñez na kaladkarin ang pangalan ni former Leyte 3rd District Congressman Ching Veloso sa pamamaslang sa sariling kapatid noong 2016.
Bukod kay Gomez, kabilang sa mga kinasuhan sina Tabongo, Leyte Mayor Bernard Remandaba, Atty. Rem Veloso at 10 tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Batay sa salaysay ni Nuñez, ginigipit di umano siya para gumawa ng isang salaysay na magdadawit sa pangalan ni Veloso sa umano’y pagpaslang sa kanyang kapatid na si Anthony noong 2016.
Pati aniya ang kanyang anak na si Aida ay inalok din ng malaking halaga para gumawa rin ng affidavit na magdidiin kay Veloso bilang mastermind sa krimen.
Matagal nang may hidwaan sa pagitan ni Gomez at Veloso.
