
ISA na naman congressman ang nadawit sa patayan.
Sa kalatas ng Iloilo Provincial Police Office, sinampahan ng kasong kriminal si Ang Asosasyon Sang Mangunguma Nga Bisaya-Owa Mangunguma Inc.(AAMBIS-OWA) partylist Rep. Lex Anthony Colada matapos makumpirmang sa kanya nakarehistro ang baril na ginamit ng salarin para itumba ang isang dating barangay chairman.
Ayon kay Major Rolando Araño na tumatayong tagapagsalita ng Iloilo provincial Police Office, dawit (bilang accessory) umano ang kongresista sa pagpatay kay former chairman Jovanni Triste ng Barangay San Rafael sa bayan ng Tigbauan noong Oktubre 14.
Pasok din sa asuntong isinampa laban kay Colada ang paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). Ang dahilan – sa kanya ang kalibre .45 na ginamit ng gunman na si John Castro Jr. sa pagpatay sa dating barangay chairman.
Asawa ni Colada ang alkalde sa bayan ng Guimbal sa unang distrito ng lalawigan ng Iloilo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na personal na galit ang motibo ni Castro sa pagpaslang kay Triste.