HINDI na dapat pang maulit ang trahedya sa karagatan, ayon sa Maritime Industry Authority (Marina) sa isinagawang inspeksyon sa mga sasakyang dagat na naglalayag sa gawing katimugan ng bansa.
Sa isang pahayag, ibinahagi ng Marina ang mas pinaigting na compliance inspection sa mga barkong bumibiyahe sa Zamboanga Peninsula at Sulu, alinsunod sa direktiba ni Marina administrator Sonia Malaluan.
Para kay Malaluan, higit na angkop masiguro ang mahigpit na pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan at maiwasan ang trahedya sa karagatan.
Sa unang araw ng operasyon, tatlong barko ang sinuri ng Marina Regional Office IX, kabilang ang dalawang RoRo at isang passenger vessel.
Isinagawa ang monitoring alinsunod sa MRO IX Advisory No. 2026-003, at magpapatuloy hanggang masuri lahat ng barkong nag-ooperate sa rehiyon.
Sinusuri sa inspeksyon ang pagkaka-stow at seguridad ng kargamento, kondisyon ng safety equipment, fire protection at firefighting systems, navigational equipment at makina ng mga barko.
Babala ng Marina, papatawan ng parusa — mula sa multa hanggang suspensyon — ang mga kumpanyang may-ari ng barkong may kakulangan o paglabag. (JULIET PACOT)
