PATULOY na inoobserbahan sa iba’t ibang pagamutan sa Laguna ang 17 indibidwal matapos makalanghap ng kemikal na sumingaw sa tangke sa junk shop sa lungsod ng Cabuyao sa lalawigan ng Laguna
Sa paunang ulat ng Cabuyao City Disaster and Risk Reduction Management Office (CDRRMO), nakaramdam ng pagsisikip ng dibdib at pagkahilo ng mga biktima – kabilang ang mga trabahador ng junk shop sa South Point, Barangay Banay-banay sa naturang lungsod.
Kwento ng ilan sa mga biktima, nagsasagawa ng general cleaning sa junk shop nang maganap ang insidente. Anila, ililipat sana ang pwesto ng apat na talampakang cylinder tank nang biglang sumingaw ang tila dilaw na usok.
Nang malanghap ang kemikal, nakaramdam ng pagkahilo at nahirapang huminga ang mga biktimang agad na isinugod sa pagamutan.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng lokal na pamahalaan hinggil sa nasabing insidente.
