
PATAY ang limang empleyado ng lokal na pamahalaan habang sugatan naman ang 20 kasamahan sa pagtaob ng mini dump truck sa Silay City, sa lalawigan ng Negros Occidental.
Ayon sa ulat ng Philippine Red Cross, dakong 10:17 ng umaga nangyari ang insidente sa San Juan Paho, Barangay Guimbalaon sa nabanggit na lungsod.
Lulan umano ng mini dump truck ang mga biktimang empleyado sa city hall ng Silay patungo sana sa isang tree-planting activity. Ngunit pagsapit umano sa lugar isang bahagi ng Barangay Guimbalaon, lumusot ang preno na siyang dahilan para hindi na makontrol ng drayber ang manibela hanggang sa tuluyang tumaob ang minamanehong sasakyan.
Nabatid na naipit ng tumaob na truck ang limang empleyadong agad nasawi habang tumilapon sa iba’t-ibang direksyon ang 20 iba pang nagtamo ng mga seryosong pinsala at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa pagamutan. (EDWIN MORENO)