
PARA sa Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP), isang malinaw na kalapastanganan sa Simbahang Katolika ang ipinamalas ng tinaguriang drag queen na si Pura Luka Vega makaraang mag-ala Kristo at magsayaw sa saliw ng ‘punk version’ ng sagradong dasal ng mga Katoliko.
Partikular na tinukoy ni Fr. Jerome Secillano na tumatayong executive secretary ng CBCP Episcopal Commission on Public Affairs ang viral video kung saan ginawan ng rock version ang ‘Ama Namin’ na karaniwang inaawit sa taimtim na paraan sa tuwing may misa sa mga simbahan.
“Dancing to the tune of a sacred and biblical prayer, with matching sacred costume to boot, is completely disrespectful not only of people and institutions practicing such faith but of God Himself,” ayon Secillano.
Hindi rin aniya angkop na gamitin libangan ang sagradong panalangin.
Gayunpaman, nangako naman si Commission on Liturgy Chairman, Capiz Archbishop Victor Bendico na ipagdarasal si Vega para sa kapatawaran ng Diyos kaugnay na ginawang inilarawan niyang pambabastos kay Hesukristo.
“May God have mercy on him. The sacred liturgy is a sacred celebration where God encounters his people through his word and the sacraments. The liturgical celebrations of the Church should glorify God at hindi babastosin ang Diyos. They are meant to sanctify people at hindi pambabastos ng mga tao,” saad ni Archbishop Bendico.
Giit naman ng mga tagapagtanggol ni Vega, isang uri ng sining ang viral video at walang intensyong yurakan ang pananampalataya ng mga Katoliko.