
HINDI pa man nag-iinit sa pwesto, agad na inulan ng batikos ang bagong talagang Kalihim ng Presidential Communications Office (PCO), matapos mabisto ang umano’y daang-milyong halaga ng kontratang nasungkit ng sariling kumpanya sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Batay sa ulat na unang lumabas sa politiko.com.ph, nasa P206.052 milyong halaga ng mga kontrata ang nakuha ng Digital 8 Inc. na pag-aari ni PCO Secretary Jay Ruiz, mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong huling bahagi ng nakalipas na taon.
Ayon sa ulat, dalawa ang kontratang nasungkit ng Digital 8 Inc. — isang P178.5 million contract para sa production at television transmission ng mga lotto draw ng PCSO at iba pang laro; at P27.552-million deal para sa production at paglalagay ng mga digital promotional video.
Lumalabas din sa mga dokumentong tangan ng politiko.com.ph na si Ruiz ang tumatayong “authorized representative” ng Digital 8 Inc., na nakabase sa One Global Place sa Bonifacio Global City, sa lungsod ng Taguig.
Samantala, sinalag ng Palasyo ang bagong talagang Kalihim. Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, bibitawan umano ng bagong Kalihim ang sapi (shares) sa itinayong kumpanya.
Ani Castro, may 60 araw si Ruiz para mag “divest” ng interes sa ilalim ng batas.
”Ang batas naman po natin ay allowed po mag-divest ng shares o interest sa anumang kumpanya na pag-aari niya within 60 days from the time na nag-assume ng position. So yan po ay parating na po at alam naman po niya ang batas at lahat naman po ng gagawin natin dito ay dapat naaayon sa batas,” aniya.
”Sa pagkakaalam ko ay in the process na po dahil pineprepare na po niya ang kanyang mga papers regarding [that],” dagdag pa ng abogado.