WALANG plano ang mga kongresista kunsintihin ang anumang uri ng pagmamalabis ng mga kapwa mambabatas.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni 4Ps partylist Rep. JC Abalos ang umano’y napipintong imbestigasyon ng House Committee on Ethics and Privileges sakaling may maghain ng reklamo laban kay Leyte Rep. Richard Gomez.
Kamakailan lang, tinuligsa ng iba’t ibang grupo ng mga mamamahayag ang umano’y paglabag ni Gomez sa data privacy ng mga reporter na ang tanging hangad lang ay kunin ang kanyang panig sa alegasyon ng isang alkalde.
Pag-amin ni Abalos, hinihintay na lang makumpleto ang liderato ng komite bago sumabak sa trabaho — ang dinggin ang reklamo laban sa mga kapwa kongresista sa Kamara.
“Na-elect na yung 12 members ng committee. Naghihintay na lang kami makumpleto ang miyembro,” anang partylist congressman na bahagi ng House Committee on Ethics.
Bagamat tumanggi ang mambabatas magbigay ng komento kaugnay ng ginawa ni Gomez, nanindigan si Abalos na higit na angkop panatilihin ng mga mambabatas — o kahit pa sinong opisyal ng gobyerno, ang wastong pag-uugali at kagandahang-asal.
Una nang naglabas ng saloobin sa social media si Matag-ob, Leyte Mayor Bernie Tacoy. Aniya, limitado lamang ang suporta na ibinibigay ni Gomez upang masolusyunan ang pagbaha sa kanilang bayan.
Ilang mamamahayag ang nagpadala ng mensahe kay Gomez upang kunin ang kanyang panig.
Sa halip na sumagot, sinabi ni Gomez na mukhang mayroong planadong pag-atake sa kanya dahil magkakapareho ang tanong ng mga mamamahayag.
“Mahal din itong media spin na ginagawa nila against me. Look at the similarities of the different socmeds and agencies asking questions. Alam na alam mong merong nagkukumpas. Alam na alam mong ginastusan,” wika ni Gomez.
Ipinost din ni Gomez ang screenshot ng mga mensahe kasama ang pangalan at numero ng mga mamamahayag.
