
DAPAT lang. Ito ang reaksyon ng mga miyembro ng Kamara matapos ibasura ng Pasig Regional Trial Court (RTC) ang hirit ni house arrest para kay Pastor Apollo Quiboloy.
Partikular na tinukoy ni Assistant Majority Leader Ernix Dionisio Jr. at House Bases Conversion Committee Chairman Jay Khonghun ang petisyon na inihain ni Atty. Israelito Torreon na isailalim na lang sa house arrest sa malawak na resort sa Davao City ang lider ng sektang Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Sa isang pahayag, kinatigan ng mga kongresista ang pagtindig ng korte sa batas na walang kinikilingan, kasabay ng giit na walang puwang sa sibilisadong lipunan ang kultura ng tinawag nilang “special treatment.”
“Kaya hindi siya binigyan probably walang tamang dahilan o rason para bigyan siya ng house arrest. Number two, yung batas pantay-pantay regardless of stature in life, ikaw ay mayaman, mahirap, may posisyon o wala,” ani Dionisio.
“I’m sure kung meron namang valid reason kung mabigyan siya ng house arrest, ibibigay ng korte iyan eh. So, it only goes to show na walang valid reason. So, kudos (sa judge),” dagdag pa niya.
Naniniwala rin si Khonghun na tama ang naging desisyon ng korte na tanggihan ang house arrest ni Quiboloy.
“Tama lang hindi payagan ang house arrest ni Pastor Apollo Quiboloy. Yung mga nakabilanggo nga na ordinaryong Filipino, walang ganyan pribilehiyo, bakit natin siya bibigyan ng special na pagtrato?”
“Nagpakita lamang ang korte ng tamang desisyon sa isyu ng special na pagtrato lalong-lalo sa mga taong makapangyarihan. Ang pagtanggi sa house arrest ni Pastor Quiboloy siguro nagpapakita na pantay-pantay na patas para sa lahat, lalo sa mga mabibigat na kaso at talagang may mga kasalanan,” dugtong ni Khonghun. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)