
NANINIWALA si House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V na magkakaroon ng lakas ng loob na lumantad ang mga testigo para isiwalat sa korte ang nalalaman hinggil sa madugong giyera kontra droga na ipinatupad ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Ortega, walang-dudang marami pa rin ang may agam-agam tumayo bilang testigo para magbigay patunay sa extrajudicial killings (EJK) sa likod ng all-out war on drugs hanggat aktibo pa rin ang dating pangulo.
Kaya naman ngayon anilang nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) si Duterte, posibleng unti-unti nang lalabas ang mga saksi sa madugong kampanya kontra droga na inutos ng una.
“Sigurado yon, mas lalong may mga taong magka-come forward saka yung mga tao sigurong mas takot dati, medyo nawawala na takot nila. At yun nga, yung iba naman kinakain na ng konsensya,” wika ni Ortega.
Ani Ortega, layunin sa paglalabas ng warrant of arrest ay upang maisalang na sa paglilitis si Duterte at mabigyan ng hustisya ng libu-libong EJK victims.
“Gusto nila na mabawasan na yung iniisip nila dahil sabi ko nga, this is a story of justice at lahat ng kwento kailangan may katapusan. We have to finish this story, and therefore, sabi ko nga, ang bida dito, ang dapat makamit ng hustisya eh yung mga biktima po at tsaka yung mga nakita natin na pamilya nila,” sabi ng La Union solon.
Sa panig naman ni House Assistant Majority Leader Jil Bongalon, sinabi niyang limitado ang mga naunang pagsisikap na imbestigahan ang madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, kaya’t maraming biktima ang nawalan ng pagkakataong makamit ang hustisya.
“If we really observe what happened during the past administration, there was no thorough and comprehensive investigation about the EJK,” pahayag ni Bongalon.
Ipinaliwanag din niya na bagamat may mga imbestigasyon isinagawa sa Kongreso, kabilang ang Quad Comm ng Kamara, ito ay naging daan lamang para bigyang-liwanag ang pagpapatupad ng drug war.
“In fact, one of the actions taken by the House of Representatives is the investigation about the EJK, the drugs, the POGO and other controversies. With that investigation, it served as a platform for persons to really enlighten regarding the implementation of the bloody war on drugs,” saad pa ng kongresista.
Binalikan din ni Bongalon ang testimonya sa Kamara ng ilang personalidad, kabilang ang tinaguriang berdugo ng “Oplan Tokhang” na si Col. Jovie Espenido.
“So, with this development, I guess people will have courage to testify and speak what they know about this bloody war on drugs, especially on the part of the victims, the families of the victims probably. I expect that people will come out and voice their grievances,” pagtatapos niya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)