SA mga nakalipas na panahon, maraming kwento ng tagumpay ang nailathala. May biglang yaman matapos tamaan ang jackpot sa mega-lotto, meron din namang naging milyonaryo dahil sa katiwalian sa gobyerno.
Pero sa munisipalidad ng Orani sa lalawigan ng Bataan, kakaiba ang pinagdaanan ng isang pilantropong nagsimulang umukit ng pangalan sa nasabing bayan. Kilalanin si Jonjon Arizapa ng Barangay Mulawin.
Kwento ng mga residente ng Barangay Mulawin, kilala nila si Jonjon mula pa sa kanyang pagkabata. Anila galing si Jonjon sa isang maralitang pamilya – ‘isang kahig, isang tuka.’
Dahil sa salat na pamumuhay, maagang napasabak sa mabigat na trabaho si Jonjon – namasukan bilang janitor, waiter sa pipitsugin kainan, tricycle driver, mekaniko at construction worker.
“Nag apply pa nga akong bus conductor, pero di ako tinanggap ng Panther Bus,” wika ni Arizapa sa isang panayam kamakailan.
Nandyan ang madupilas sa nilalampasong sahig ng kumpanyang pinapasukan, makatapon ng pagkain sa kostumer na sinisilbihan, magtulak ng tumirik na tricycle na gamit sa pagpasada, balutin ng grasa ang katawan sa pagkukumpuni ng sasakyan at mangitim sa arawan sa maghapong paghahalo ng semento.
Kung saan pwedeng kumita basta sa marangal na paraan, di niya aatrasan.
Tibay ng Dibdib
Sa tayog ng pangarap ng batang Jonjon, inilarawan siyang ambisyoso ng kanyang mga kaibigan – kantyaw na nagsilbing hamon para lalo pang pagsumikapan ang tanging pangarap na makaahon sa kahirapan.
Halos gawin niyang araw ang gabi – overtime dito, overtime doon sa hangaring makaipon at makapagsimula ng maliit na negosyo.
Sa pagpupursigi, unti-unting naisakatuparan ang pangarap, bagay na aniya’y kanyang tinatanaw na utang na loob sa mga naniwala sa kanyang kakayahan, mga kasama mula sa hirap hanggang pag-angat, maging sa mga kasabay niyang nagdasal.
Para sa ngayo’y negosyanteng si Arizapa, walang dapat magbago sa kanya – may pera man o wala, siya pa rin naman daw si Jonjon Arizapa.
Madaling Lapitan
Sa mga nakalipas na panahon, nakita ang kanyang pagiging bukas-palad sa mga tunay na nangangailangan. Sa kabila ng pagiging abala sa trabaho, nagagawa pa niyang maglaan ng oras para pakinggan ang kwento, himutok, daing at saloobin ng ibang tao.
May humihingi ng tulong, nagpaturo kung paano maging matagumpay sa negosyo, may nag-aaply ng trabaho, meron din humihingi ng payo o di naman kaya’y nais lang siyang makadaupang palad.
Sa kanyang mga nakausap, hindi siya nahiyang ikwento ang kanyang pinagdaanan. Katwiran niya, totoo naman at baka sakali aniyang maging inspirasyon sa kanyang mga kababayan.
“Wala naman dahilan para ikahiya ko kung saan ako nanggaling at kung ano ang mga pinagdaanan ko. Ang nakakahiya kung iiwas ako sa mga tao dahil lang medyo nakakaluwag na ko.”
Lingon sa Pinagmulan
Ang totoo, malayo na ang narating ni Arizapa. Sa kanyang pagsusumikap, lumago ang negosyo, nakapag pundar ng konting ari-arian, at pangarap na ibalik ang tinamong biyaya sa pamayanang pinagmulan.
Sa dami ng kanyang natulungan sa bayan niyang tinubuan, hindi kataka-takang may mga nagtutulak sa kanya para pasukin ang magulong mundo ng pulitika. Pero sa halip na magpabuyo, pinili niya ang tumulong na lamang sa kandidatura ng mga inaakala niyang karapat dapat sa tiwala ng masa.
May ilan siyang inindorso, meron din naman tinulungan (sa abot ng kanyang kakayahan) sa gastos na kalakip ng kampanya sa tuwing may halalan.
Fast forward tayo. Tagumpay ang kanyang sinuportahan pero ang kanyang mga kabarangay, tila iba pala ang gusto – ang makitang siya mismo ang mamuno.
Tatakbo o Tatakbo?
Pagtatapat ni Arizapa, nais niyang makatulong sa mga tao… ang problema, tutol ang kanyang pamilya, bukod pa sa hindi naman talaga siya politiko.
Kung tutuusin, hindi naman bago sa kanya ang pulitika lalo pa’t tumutulong siya sa tuwing may halalan. Minsan din siya nagsilbing lider kabataan sa ilalim ng istruktura ng Sangguniang Kabataan.
“Labag man sa kalooban ko pumasok sa pulitika at ayaw din ng pamilya ko pero gusto kong sagipin ang mga mahihirap na kababayan ko, kahit pa alam ko naman sa sarili kong mabubuhay ng marangya ang pamilya ko kahit di ako tumakbo.”
Para kay Arizapa, hindi na rin aniya maganda ang kalakaran sa pulitikang limitado lamang sa ilang pamilya – “Sila sila na lang nagpapalitan dito sa Orani pero walang pagbabago ang buhay ng mga tao dito.”