SA sandaling malaglag si Vice President Sara Duterte sa pwesto sa bisa ng impeachment, posibleng si House Speaker Martin Romualdez ang hirangin bilang bagong pangalawang pangulo.
Sa isang kalatas, hayagang isinantabi ni Senate President Francis Escudero ang posibilidad na maging kapalit ni Duterte sa bisa ng impeachment.
Ang dahilan — hindi umano siya interesado maging bise-presidente.
“Sang-ayon sa Saligang Batas, kapag na-impeach ang bise presidente, ang papalit ay pipiliin ng Presidente mula sa Kongreso. Hindi automatic na Senate President yan. Hindi porke’t number three ako, number two ang VP at number one ang President, number four ang Speaker – yung three ang papalit sa two. Hindi,” paliwanag ng lider ng senado.
“Bilang panghuling katugunan, iniisip ko ba yun? Hindi. In fact, sinabi ko na yan ilang araw na ang nakalipas na hindi ako interesado maging bise,” dugtong ni Escudero.
Para sa Senate president, pangit tingnan na silang mga senador na magpapasya sa kapalaran ni Duterte ang papalit sa pwestong mababakante.
“Ang pangit naman nun sa panlasa. Kami ang magdedesisyon kaugnay niyan tapos yun pala interesado ako at gusto ko pala so ngayon pa lang sinasabi ko na hindi ako interesado at tatanggihan ko yun kung inalok man sa akin yun. Hindi tama at hindi dapat ginagawa yun,” aniya.
Hindi rin dapat umano magmula sa Kamara ang kapalit ni Duterte sakaling tuluyang mapatalsik bilang bise presidente.
“Sa parte ng Kamara, siguro dapat ganun din kasi pipili nga mula sa Kongreso, e. Hindi naman siguro dapat konsiderahin yan nung mga pumirma at nung mga nagsusulong nito dahil baka mamaya masabihan sila na ito lamang pala ang interes at gusto nila kaya nila ginawa ito,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ni Escudero ang kanyang plano sa pulitika – ang magretiro pagsapit ng 2028 kahit pwede pa siya humirit ng reelection.
“Kaugnay ng pagtakbo sa 2028, wala rin akong balak sa totoo lang. Ang mas direksyon ko pagkatapos ng term ko ng 2028, magpahinga na at hayaan naman yung iba na tumakbo doon.” (ESTONG REYES)
