HINDI man nagawang simulan agad proseso sa pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte, tiniyak naman ni Senate President Francis Escudero na tatapusin ng impeachment court sa loob ng tatlong buwan ang paglilitis sa pangalawang pangulo.
Katunayan aniya, posibleng maglabas na ng hatol ang mga senador na tatayong mahistrado ang hatol kay Duterte pagsapit ng buwan ng Oktubre.
Gayunpaman, nilinaw ng Senate president na sisimulan na ang pagbalangkas ng rules sa pagbabalik ng sesyon sa Hunyo.
“Nag-adjourn ang Senado, hindi napag-usapan itong impeachment, so magre-resume kami June 2 na. Wala kaming magagawa dahil hindi pwedeng simulan ang impeachment basta recess. Dapat mapag-usapan ang impeachment in open session. Babasahin ng house prosecutors ang impeachment sa plenaryo ng Senado,” wika ng lider ng Senado.
“Ikalawa, kailangang aprubahan sa plenaryo ang rules of impeachment at pangatlo, in open session sumumpa ang mga senador bilang impeachment judges. Lahat yan hindi pwedeng gawin kung recess. So, pag-resume namin aaprubahan ang rules, magko-convene ang court,” paliwanag ni Escudero.
Sa huling bahagi ng 19th Congress naman inaasahan ang pre-trial. Pag-upo ng mga bagong senador sisipa ang pagdinig.
“Ngunit may sinasabi akong pre-trial. Kung masusundan natin ang pre-trial, mas bibilis ang proceedings. Sa pre-trial may tinatawag tayong judicial affidavit, ito ay ordinaryong affidavit pero judicial ang tawag dahil sinusumite sa Korte, ito na ang papalit sa direct examination ng abogado.”
“Kapag nag-trial, cross examination na lang yan. Sa pre trial, mag-a-agree na kung ilan ang mga testigo, mamarkahan na ang mga ebidensya,” paliwanag pa ni Escudero
“Dahil diyan, sa tingin ko hindi sosobra sa tatlong buwan o dalawang buwan ang trial. So by the time na mag-recess kami sa October 2025, tapos na ito at mapagbobotohan na,” pahabol ni Escudero. (ESTONG REYES)
