KUNG pagbabatayan ang prediksyon ng isang sikat na Pinoy psychic, may dahilan para mangamba ang mga Pilipino.
Sa isang panayam ni Toni Gonzaga sa programang “Toni Talks,” ibinahagi ni Rudy Baldwin ang pagsibol at paglaganap aniya ng isang sakit na dala ng hangin ngayong 2025.
“Hindi ko siya ma-compare sa virus…Isa siyang hangin na may dalang bacteria. It’s superbad kasi doon sa monkeypox… na vision ko yun. Ito iba ito eh. Hindi siya monkeypox eh,” tugon ni Baldwin nang hingan ng prediksyon para sa 2025.
Para kay Baldwin, maihahalintulad ang epidemya sa sakit na tinutukoy sa Bibliya kung saan isasara ang bawat tahanan bilang proteksyon sa nakamamatay na karamdaman.
“Ibang klase ng virus siya nakakatakot kasi galing sa hangin eh,” dagdag ni Baldwin.
Paglilinaw ni Baldwin, may lunas sa parating na karamdaman – “May cure naman siya kasi nakikita ko gumagaling. Kaso lang dumadami. Parang nag-heal na siya dito banda lilipat naman sa ibang parte ng katawan.”
Sa kabila ng seryosong banta, hindi niya umano nakikita ang pagbabalik ng lockdown na ipinatupad noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic.
Pero bago pa man dumating ang “airborne epidemic,” posibleng tumaas muli ang bilang ng kaso ng coronavirus na magiging dahilan para magpatupad ng lockdown ang pamahalaan.
