
TALIWAS sa ginagawa ng ibang sekta, walang planong mag-endorso ng sinumang kandidato sa nalalapit na halalan sa Mayo ang Simbahang Katoliko.
Para kay Cardinal Jose Advincula ng Archdiocese of Manila, nananatiling bukas ang simbahan sa sinumang nais maglingkod sa bayan. Gayunpaman, nilinaw niyang gawad espiritwal at gabay lang ang pwedeng ibigay sa mga politiko.
Partikular na tinumbok ni Advincula ang usap-usapan hinggil sa umano’y suporta ng Archdiocese of Manila sa hindi pinangalanang kandidato sa lungsod ng Maynila.
Aniya, hindi nangangahulugan inindorso ng simbahan ang mga politiko sa mga kumakalat na larawan kung saan kasama niya ang kandidato. Paglilinaw pa ng arsobispo, tungkulin ng simbahan harapin at pakinggan ang sinuman nais magsilbi sa mga tao.
“Malaya ang sinumang humingi ng pagbabasbas ng mahal na arsobispo, at sa tamang pagkakataon, hindi ito ipagkakait sa sinumang magnanais nito,” ani Advincula.
Sa mga nakalipas na panahon, karaniwang sinusuyo ng mga politiko ang mga lider ng iba’t ibang sekta kabilang ang Iglesia ni Cristo ni Ka Eduardo Manalo, Kingdom of Jesus Christ ng nakakulong na si Pastor Apollo Quiboloy, El Shaddai ni Bro. Mike Velarde, at iba pang religious leaders.