Ni LILY REYES
SA dami ng naitalang insidente ng sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa, umapela ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa pamahalaan para pondohan ang kakulangan ng fire trucks at fire stations sa 110 lokalidad.
Sa datos ng BFP, umabot sa 9,568 ang sunog mula Enero hanggang Mayo 10, 2024 – malayo sa 6,815 insidenteng naitala sa parehong panahon noong nakalipas na taon.
Ayon kay BFP spokesperson Senior Superintendent Annalee Atienza, tumaas ng 40% ang naitalang insidente bunsod ng kakulangan ng mga angkop na kagamitan at fire stations.
Kabilang rin sa nakikitang dahilan ang kabi-kabilang grass fires na dulot ng matinding init na dala ng sabayang epekto ng panahon at El Niño phenomenon.
Sa isang pahayag, nanindigan ang BFP sa hirit na pagtatayo ng mga fire stations sa 117 lugar katuwang ang mga lokal na pamahalaan upang mapahusay ang pagtugon at kakayahan sa paglaban sa sunog.
“We can expect the building of fire stations in these places at the soonest possible time,” ani Atienza.
Taong 2023 nang bumili ng 262 units ng 1000-gallon fire trucks.
“Fifty-one fire stations were also built last year, making the coverage of fire protection services wider with only 110 municipalities out of 1,845 (5.96 percent) not having fire stations that are still waiting for new fire stations for building,’’ aniya pa.
Target din ng BFP palitan ang mga fire trucks na 20 taon nang ginagamit.
“The combined procurement for the remainder of 2023 and 2024 are 118 1000-gallon fire trucks, 60 units of 500-gallon fire trucks, 74 Type-1 ambulances, automatic external defibrillators, among others,’’ dagdag pa ng BFP.
