SA gitna ng panibagong banta sa kaligtasan sa hanay ng mga abogado, ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) ang isang malalimang imbestigasyon kaugnay ng pamamaslang kay Davao Occidental Assistant Provincial Prosecutor Eleanor dela Peña kamakailan sa Digos City.
Sa direktiba ni Justice Secretary Crispin Remulla, partikular na inatasan ang National Bureau of Investigation (NBI) na resolbahin ang pagpatay sa babaeng Davao prosecutor.
Para kay Remulla, kailangan tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga tagapagtaguyod ng batas at hustisya sa bansa.
Pinatay ng isang hindi pa natutukoy na salaring sakay ng motorsiklo si dela Peña habang lulan ng kanyang sasakyan dakong alas 5:00 ng hapon noong Hunyo 10 sa lungsod ng Digos.
Giit ng Kalihim, walang puwang sa sibilisadong lipunan ang karahasan.
