KUMBINSIDO ang pamunuan ng Civil Service Commission (CSC) na ang pagkakaloob ng Career Service Eligibility – Preference Rating (CSE-PR) sa mga partikular na kawani ng gobyerno ay magbibigay-daan para maging permanente ang trabaho sa pamahalaan.
“They always say that the government is the biggest employer whether nationally or locally. We hope that with this new issuance, we can get more eligibles, especially those na tina-target natin, the JOCOSC6,” pahayag pa ni CSC Chairperson Karlo Nograles sa isang pulong-balitaan sa Philippine Information Agency (PIA).
“We’re very positive that this policy will have an impact in getting more civil service eligibles into the pool, and getting them to fill up vacant positions in the government,” wika ni Nograles.
Ang JOCOSC6 ay ang collective term para sa partikular na grupo ng manggagawa sa pamahalaan, na kinabibilangan ng job order (JO), contract of service (COS), casual, contractual, coterminous, mga kawaning pasok sa Category III at Category IV positions, na tinutukoy sa CSC Memorandum Circular No. 10 na may petsang 16 April 2013, at career service employees na mayroong first level eligibility.
Panawagan ni Nograles sa lahat ng JOCOSC6 workers na nasa serbisyo ng hindi bababa sa 10 taon subalit walang kaukulang civil service eligibility na mag-apply para sa CSE-PR at hanapin ang posisyon na akma sa pinag-aralan, kasanayan at karanasan.
“Kahit putol-putol ang service at sa iba’t-ibang ahensya, basta pinagsama-sama mo lahat iyon at aabot sa 10 years, qualified pa rin. Based on our Citizen’s Charter, within 20 days dapat ay maibigay na namin ang Certificate of Eligibility nila if complete ang lahat ng requirements,” paliwanag pa ng CSC chairman.
Base aniya sa 2023 Inventory of Government Human Resource, nasa 586,551 ang bilang ng JO; 246,261 naman ang COS; 21,905 ang coterminous, 126,238 ang casual, at 56,046 naman ang contractual personnel na maaaring makinabang sa bagong resolusyon sa pag-aapply para sa preference rating – kung kumpleto ang requirement.
“As of last year, ang vacancies natin sa career service in the entire Philippines are 200,889 at sa non-career service naman, 3,165 vacancies. Hopefully, with this policy of CSC, marami sa mga vacancies sa government can be filled up now because marami sa mga JOCOSC6 can apply for said vacancies and assured ang head of agency that these people can do the job kasi matagal na silang nagtatrabaho sa government,” aniya pa.
Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2301123, na inilabas noong 7 December 2023 at nagkabisa 12 February 2024, ang Preference Rating na ang maximum ay 10 points ay idadagdag sa failed rating range (70.00 to 79.99) upang maabot ang passing rate na 80.00 para sa qualified applicants ng Career Service Examinations (CSEs).
Para mag-qualify sa dagdag na puntos, ang JOCOSC6 employees ay kailangan may kabuuang 10 taon sa serbisyo sa gobyerno, kung saan ang JOCOSC6 ay dapat ding magkaroon ng Very Satisfactory (VS) performance rating o katumbas nito sa dalawang pinakahuling rating periods kasunod ng petsa ng kanilang aplikasyon para sa pagkakaroon ng eligibility.
Ang mga aplikante ay dapat din nakapag-apply at nakakuha ng scheduled CSE, simula noong 3 March 2024 CSE o pagkatapos, ito man ay para sa CSE Professional o CSE Sub-Professional level, at sa pamamagitan ng PPT o ang lumang test modes, at nakakuha ng failed rating na hindi bababa sa 70.00.
Para makapag-apply, kailangang magsumite ng properly accomplished application form na may litrato at documentary requirements sa CSC Regional o Field Office na nakasasakop sa government agency kung saan nakatalaga o nakapagtrabaho ang JOCOSC6 worker. Ang application at complete requirements ay kailangang ma-fill up sa loob ng anim na buwan mula sa petsa ng paglalabas ng resulta ng kinuhang CSE.
Para sa kumpletong impormasyon hinggil sa pagkakaroon ng CSE-PR, bisitahin ang CSC website na csc.gov.ph.
