NAGBABALA ang isang infectious diseases expert hinggil sa di umano’y mga naitalang kaso sa Pilipinas ng nakakahawang streptococcal toxic shock syndrome (STSS), na kasalukuyang namiminsala sa bansang Japan.
Paliwanag ni Dr. Rontgene Solante, isang deadly bacterial infection ang STSS na aniya’y kasalukuyang siinasagupa ng bansang Japan kung saan pumalo na sa 1,000 ang kumpirmadong kaso.
Ayon kay Solante, may mga kahalintulad na kaso na rin na naitala sa Pilipinas batay aniya sa tinawag niyang “clinical experience.”
“Meron na rin tayong nakikita dito sa Pilipinas. Pakonti-konti lang pero mabilis talaga yan,” saad ni Solante sa isang panayam sa DZBB.
Nang tanungin kung saan at paano nakukuha ang naturang karamdaman, sinabi ni Solante na ang STSS ay dulot ng isang common bacteria na nagdudulot ng pharyngitis o pamamaga ng lalamunan.
Aniya, kabilang sa mga sintomas ang pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng katawan, panghihina, pagsusuka at sugat kung saan karaniwang pumapasok ang mikrobyo patungo sa ugat ng katawan ng mga tao.
“Yung mga may sugat tapos papasukan ng mikrobyo, pupunta sa dugo. Pag pumunta na yan sa dugo, systemic na yan, buong katawan mo… Napaka-bangis nitong bacteria, yung Group A Streptococcus Pyogenes,” paliwanag ni Solante.
Hindi din aniya biro ang STSS na may 30% mortality rate, sa loob lang ng 24 oras pwede umanong bawian ng buhay ang isang infected person.
Hirit ng eksperto, palakasin ang immune system lalo pa’t target umano ng naturang sakit ang mga taong may mahinang resistensya tulad ng mga may edad, diabetic at yaong mga dumaranas ng chronic renal failure.
