Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
ANG pangako hindi dapat napapako. Ito ang tinuran ni House Speaker Martin Romualdez kasabay ng matapos ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Hemodialysis Center – ang pinakamalaki sa buong bansa – sa loob ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City.
Ayon kay Romualdez, ang pagpapatayo ng Hemodialysis Center ay bahagi ng ‘Legacy Specialty Hospital’ Project ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bukod kay Romualdez, kabilang sa mga dumalo sa naturang okasyon sina House Appropriations Committee Chairman Rep. Zaldy Co (AKO Bicol partylist), House Deputy Majority Leader Janette Garin, Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan, Quezon City Vice Mayor Gian Carlo Sotto, mga opisyal ng Department of Health (DOH) at NKTI, sa pangunguna ni Executive Director Dr. Rose Marie Rosete-Liquete.
Sa isang talumpati, ibinida ang mga nakalatag na proyekto ng gobyerno sa larangan ng kalusugan – kabilang ang ‘mega hemodialysis’ center na magdurugtong sa buhay ng libo-libong Pinoy na may sakit sa bato at sumasailalim sa dialysis.
“Today, we are not just building an edifice. We are laying the foundation for hope, modern healthcare, and better quality of life for millions of Filipinos suffering from kidney ailments,” wika ni Romualdez. kinatawan.
“Ang bawat dialysis machine na gagamitin dito ay katumbas ng buhay na maaring masagip, pamilyang magkakaroon ng pag-asa, at mga pangarap na maari pang matupad,” dugtong ng lider ng Kamara.
“Malaki ang magiging epekto ng proyektong ito sa buhay ng ordinaryong Pilipino. Hindi na nila kailangan bumiyahe ng malayo o kaya’y maghanap ng malaking halaga para lang makapag pagamot. Dito, sila’y magkakaroon ng access sa modernong pasilidad at de-kalidad na serbisyo para maibsan ang kanilang karamdaman,” dagdag pa niya.
Base sa datos ng DOH, ang sakit sa bato ang isa sa pangunahing sakit na kumikitil sa buhay ng mga Pilipino. Nasa 1 milyong Pilipino ang pinaniniwalaan na nagdurusa bunsod ng naturang karamdaman.
Karaniwang isinasailalim muna sa dialysis mga pasyente hanggang sa makahanap ng donor para sa kidney transplant.
Batay sa disenyo ng proyekto, 17-palapag ang NKTI Hemodialysis Center.
Ang NKTI isa sa mga specialty hospitals na itinayo sa panahon ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Bukod sa NKTI, kabilang din sa mga specialty centers na itinaguyod ng ama ng kasalukuyang Pangulo – katuwang ang noo’y Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos – ang Heart Center, Children’s Medical Center at Lung Center.
“Sinimulan po ito ng kanyang butihing ina… noong 70s at ngayo’y pinagpapatuloy ng ating Pangulo para sa milyon-milyong Pilipino,” ani Romualdez.
Magsisilbi rin aniyang training facility ng mga health professionals ang hemodialysis center.
“Bukod sa building at machines, magkakaroon din tayo ng training facilities na magtuturo at magpapalakas sa ating healthcare professionals, lalo na ‘yung mga taga-probinsya,” aniya.
“Ang pasilidad na Mega Hemodialysis Legacy Building, dahil napag-alaman ko, na this will be the biggest Hemodialysis facility in the Philippines! Once completed, this facility will house 200 dialysis machines. Sa kasalukuyan, ang Lungsod na Maynila ang may pinakamarami – meron silang 100 machines. Dodoblehin natin yan dito sa NKTI” aniya pa.
