Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BILANG tugon sa atas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na direktang maiparating sa taumbayan ang mga serbisyo at tulong ng pamahalaan, inilunsad ang 2-day ‘super mega’ Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) para sa buong bahagi ng Eastern Visayas region kanina.
Pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pormal na pagbubukas ng serbisyo caravan na ito, sa isang programa sa Tacloban City at sabayan idinaos din sa mga lalawigan ng Biliran, Eastern Samar, Northern Samar, Samar at Southern Leyte.
Nabatid na nasa kabuuang 8,500 mamamayan ng rehiyon ang nakatanggap ng bigas, educational, at livelihood assistance sa ilalim ng tatlong programang inisyatiba ni Romualdez, bilang suporta na rin sa kautusan ng Pangulo – ang tulungan maralitang sektor sa labas ng alinmang major social protection programs ng pamahalaan.
Partikular na rito ang Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program, ang Start-up, Incentives, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL), at ang Integrated Scholarship and Incentives for the Youth (ISIP for the Youth).
Aniya, ang tatlong programa ay isinasabay na rin sa pagsasagawa ng BPSF sa isang lugar “para matulungan natin ang mga sektor na hindi man nakasama sa 4Ps program ay alam nating nahihirapan sa hamon ng pang-araw-araw na pamumuhay.”
“Kaya naman naisipan nating ilunsad itong tatlong programang ito para matulungan ang mga sektor ng senior citizens, PWD, single parent, IPs, estudyante at maliliit na negosyante na apektado ng kahirapan. Ito po ang hangarin ni Pangulong Bongbong Marcos, ang maabot ang lahat ng kailangan ng tulong,” paliwanag pa ng lider ng 300-plus-strong House of Representatives.
“All three programs utilized funds allocated for the Ayuda sa Kapos sa Kita Program (AKAP) of the Department of Social Welfare and Development (DSWD),” dagdag niya.
Aabot sa kabuuang 3,000 beneficiaries sa Eastern Samar ang tumanggap ng tig- P5,000 cash assistance at 20 kilograms ng bigas sa isang simpleng seremonya sa Tacloban City Astrodome kahapon.
Mayroon ding 2,500 beneficiaries mula Eastern Visayas ang pinagkalooban naman ng tig-P5,000 cash aid at limang kilo ng bigas sa distribution ceremony held sa HRDC Alba Hall sa Leyte Normal University.
Habang nasa 3,000 student-beneficiaries ang nabahagian din ng tig-P5,000 at 5 kilo ng bigas sa programang isinagawa sa Leyte Academic Center, Tacloban City.
Ang mga benepisyaryo naman na sakop ng Tulong Dunong Program (TDP) ng Commission on Higher Education’s (CHED) ay pinagkalooban ng scholarship assistance na P15,000 per semester at mapapasama sa priority slots ng Government Internship Program (GIP) pagkatapos ng kanilang graduation.
Magkakaroon din sila ng dagdag na benepisyo partikular ang pagsasama sa unemployed parents o guardians sa Department of Labor and Employment (DOLE)-
TUPAD Program.
“Basta may BPSF, isisingit na rin natin ang CARD, SIBOL at ISIP programs para matulungan ang lahat ng sektor. Sa ilalim ng Bagong Pilipinas campaign ng ating Pangulo, kasama ang lahat sa pag-unlad at direkta ang suporta at serbisyong ibibigay sa mga mamamayan,” pagtatapos ni Speaker Romualdez.
