Ni JAM NAVALES
BUKOD sa agarang tulong sa mga apektadong mamamayan, nanawagan si AGRI partylist Cong. Wilbert Lee para sa mabilis na pagsisiyasat upang mapanagot sa lalong madaling panahon ang nasa likod ng pagkalat ng langis sa Manila Bay partikular sa bahagi ng Bataan.
“Maraming lumabas na reports na may mga smuggling activities, may paihi, na wala raw permiso na maglayag. Yan ang iimbestigahan natin, dapat malaman natin kung mayroon at sino ang mga kasabwat. Ang laki nitong mga barkong ito, paano naman ito maitatago?” pahayag pa ng Bicolano lawmaker.
“Tututukan natin kung paano ang certification ng mga vessel, iyong seaworthiness at insurance ng ganitong mga barko, lalo na iyong mga nagdadala ng ganitong klaseng produkto na kapag naaksidente damay ang kalikasan,” dugtong niya.
Ginawa ni Lee ang pahayag kasabay na rin ng paghahain niya ng House Resolution No. 1825, na humihiling na pagsasagawa ng impact assessment sa naturang insidente na dulot ng paglubog ng MT Terranova, maagap na pagtugon ng gobyerno at pagtukoy sa kung sino-sino ang mga responsible.
Personal din nagtungo ang mambabatas Limay, Bataan upang mabatid ang kalagayan ng mga residente at nagpaabot na rin ng tulong matapos ang pakikipag-ugnayan kay Mayor Nelson David at Philippine Coast Guard (PCG) Lieutenant Commander Michael John Encina.
“Gusto na rin natin isabay sa imbestigasyon ‘yung mga pampasaherong barko, kasi napapabalita rin yung, huwag naman sana, mga lumulubog dahil sobra yung karga, luma na iyong barko, ayaw nang gamitin sa ibang bansa pero dito sa atin, ginagamit pa,” diin ni Lee.
“Dapat panagutin ang mga dapat managot! Hindi pwede na parang walang magawa ang gobyerno sa mga may-ari ng barko. Kung merong batas na dapat tingnan, rebisahin, i-amend o kung may bagong batas na dapat ipasa tungkol dito, gagawin natin.”
