PIHADONG mas malaking sakit ng ulo ang kakaharapin ng isang alkalde matapos ireklamo ng isang photographer na sinapak bunsod ng pagkuha ng larawan habang tinatanggap ang suspension order
Sa ulat ng lokal na pulisya, kinilala ang biktima sa pangalang Jairus Bien Sibayan, 28-anyos at nagtatrabaho bilang photographer ng Pangasinan Provincial Information Office.
Batay sa paunang imbestigasyon, dakong alas 8:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob mismo ng tanggapan ni Urdaneta City Mayor Julio Parayno III.
Kwento ni Sibayan, naatasan lamang di umano siyang idokumento ang implementasyon ng suspension order na inilabas ng pamahalaang panlalawigan laban kay Mayor Parayno.
Paglilinaw ng biktima, humingi muna siya ng pahintulot kay Mayor Parayno. Sa kabila ng permiso ng alkalde, nagulat na lamang di umano ang biktima nang dumapo sa kanyang mukha ang mabigat na kamay ng punong lungsod.
Sa lakas ng pagkakabigwas, halos mawalan ng malay ang photographer ng kapitolyo. Kinumpiska din umano ni Parayno ang kamera at digital kard kung saan nakalagak ang mga kinunang litrato at video.
Sa isang pahayag ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan, pinatawan ng 90-day preventive suspension si Mayor Parayno bunsod ng isang administrative complaint kaugnay ng di umano’y paglabag sa mga probisyong kalakip ng Republic Act 11032 (Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018).
