Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BAWAT opisyal ng pamahalaan ay hinuhusgahan ng taumbayan sa paraan ng survey, ayon sa mga kongresistang bahagi ng tinaguriang ‘Young Guns’ ng Kamara.
Sa isang pinag-isang pahayag, partikular na tinukoy ng mga batang mambabatas ang resulta ng pinakahuling survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station (SWS) kung saan nakapagtala lang ng 19 porsyentong performance rating si Vice President Sara Duterte.
Anila, ang pagsubsob sa performance rating ni Duterte ay sumasalamin sa antas ng pagganap ng pangalawang pangulo sa mandatong kaakibat ng pwesto sa gobyerno.
“Kasi iyong survey is also how the public responds to the performance eh … It’s actually a grading system po iyong survey na iyan. It’s the people’s grading system,” ang sabi ni
House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
“So, if there’s a decline, it means that the people are dissatisfied,” dagdag pa ng ranking House official.
Ani Adiong, ang pagbaba sa rating ni VP Duterte ay maaaring naapektuhan ng kanyang posisyon sa iba’t ibang isyung na may kinalaman sa mamamayang Pilipino.
“People really are asking what would be her position on matters that matter to them. Sinabi ko nga WPS, etc. So, ultimately, it boils down to the people’s perception whether you are really indeed an official that really caters or do your services, offer your services for the betterment of the public,” dagdag pa ng Lanao del Sur lawmaker.
Ganito rin ang sinabi ni La Union Rep. Paolo Ortega V kung saan ang pananahimik umano ng bise-presidente sa mga mahahalagang isyung lokal at pandaigdigan ay posibleng nakaapekto sa antas ng satisfaction ratings mula sa publiko.
“Her silence on important issues, national issues and international issues … may epekto talaga iyon sa pag-dip ng numbers. It’s about time that she addresses the concerns and certain issues. Baka iyon po ang isa po na rason kung bakit bumababa po iyong numbers,” sambit ni Ortega.
Sa panig ni Ako Bicol partylist Rep. Jil Bongalon, sinabi niyang “we as public officials, we are being rated based on our performance, based on our attitude, based on our leadership skills …”
“So, probably doon po sa mga aspetong iyon kaya po siguro bumaba talaga ano iyong kanya pong rating nito pong recent survey. So as mentioned, iyong kanya pong silence sa mga issues of national and international concerns, iyon pong kanyang pag-alis sa ating bansa noong kasagsagan ng Bagyong Carina, so hindi po natin nakita na tumulong or gumawa ng aksiyon ang ating VP,” litanya ni Bongalon.
“So those factors contributed to the significant effect na kung bakit bumaba po talaga ang naging rating po ni VP. So, again, binabase po ang ating rating sa atin pong performance at kung ano ang kanyang mai-o-offer na solution because recently ang lagi po nating naririnig sa kanya ay mga reklamo laban sa mga programa at polisiya ng atin pong administrasyon,” dagdag pa niya.
