Ni ESTONG REYES
PARA kay Senador Raffy Tulfo, lubhang nakakapagtaka ang kawalan ng aksyon ng Bureau of Immigration (BI) sa malawakang pamemeke ng birth certificates, pasaporte at iba pang dokumentong ginagamit ng mga dayuhan sa pananatili sa bansa.
Partikular na tinukoy ni Tulfo ang kabiguan ni BI sampahan ng kaso ang mga opisyales at kawani ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Civil Registrar Office na kasabwat ng mga banyaga tulad ng mga miyembro ng pamilya ni dating Bamban Mayor Alice Guo at iba pang Chinese nationals na nagpapanggap na Pilipino.
Sa mga nakalipas na pagdinig ng Senado, ipinrisinta ang mga katibayang patunay na nameke ng mga dokumento ang magkakapatid na sina Alice, Sheila at Wesley Guo para magpayaman ng husto sa Pilipinas sa ilegal na paraan.
Higit pa aniyang dapat alamin ng BI kung meron pang mga Chinese nationals na nakaupo sa gobyerno.
