PARA kay former Ilocos Sur Gov. Luis ‘Chavit’ Singson, hindi tuluyang mawawala sa bansa ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa kabila ng executive order na nagbabawal sa naturang negosyo.
Ang solusyon ni Singson — bawiin ang restriksyon at patawan na lang ng malaking buwis na higit na kailangan ng gobyerno para isakatuparan ang mga programa at proyekto para sa mga Pilipino.
“Hindi na mawawala yan… they’d rather go underground. And if that happens, lalong walang mapapala ang gobyerno,” sambit ni Singson sa isang media forum sa QueZon City.
Ani ni Singson na kabilang sa mga naghain ng kandidatura para sa posisyon ng senador sa nalalapit na 2025 midterm election sa Mayo, malaking bentahe ang buwis na malilikom sa mga POGO operators, gayundin ang libo-libong trabaho para sa mga Pilipino.
Gayunpaman, nanindigan si Singson na dapat maging mahigpit at maingat ang pamahalaan sakaling pahintulutan ang operasyon ng POGO sa bansa para hindi na maulit pa ang mga sumingaw na bulilyasong patuloy na binubusisi ng Kongreso.
