NI EDWIN MORENO
SA tatlong araw na pananalasa ng bagyong Kristine sa mga lalawigang sakop ng Bicolandia, nasa 20 indibidwal ang naitalang nasawi — bilang na ayon sa Philippine National Police (PNP) ay pwede pang tumaas sa sandaling matagpuan ang mga una nang naiulat na nawawala.
Sa ulat ni Bicol Regional Director Brig. Gen. Andrei Dizon, pito sa 20 nasawi ang mula sa Naga City, lima sa Catanduanes, apat sa Albay at tig-isa sa Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon at Masbate.
Ayon kay Dizon, patuloy ang paghahanap sa 13 missing – kabilang ang siyam na mangingisdang inabutan ng masamang panahon sa gitna ng karagatan.
Gayunpaman, nilinaw ni Dizon na dadaan pa sa validation ng Office of Civil Defense at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga isinumiteng datos.
Kabilang sa mga lubhang apektado ng tampas-taong pagbaha ang mga bayan ng Ligao, Oas, Libon at Polangui sa Albay gayundin sa Nabua sa Camarines Sur at Naga City.
Sa Libon, Albay, 20 bahay ang natabunan sa pagguho ng lupa kung saan isa 60-anyos na residente ang di umano’y target ng search and rescue operation.
Samantala, isang pang weather disturbance ang nakaambang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA. Ang bagong bagyo, tatawaging Leon.
Paglilinaw ng state weather bureau, nasa loob pa ng PAR ang bagyong Kristine na anila’y nagpaikot-ikot sa West Philippine Sea.
