NI LILY REYES
NAHAHARAP sa kasong infanticide ang magkasintahan na nag-iwan ng kanilang patay na sanggol sa isang bus terminal sa Quezon City, Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina alias Endel, 21, at Diane, 17, parehong estudyante, at kapwa residente ng Nueva Ecija.
Si Diane ay kasalukuyang naka-confine sa Gapan Hospital sa Nueva Ecija matapos mamatay ang sanggol na kanyang isinilang sa banyo ng Baliwag Bus Terminal sa panulukan ng kalye Montreal at EDSA sa Barangay E. Rodriguez sa Cubao, Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), inaresto ang ang magkasintahang bagets matapos mahagip ng CCTV na pumasok sa kasilyas ng bus terminal matapos bumaba sa isang pampasaherong bus.
Makaraan ang dalawang oras, nakitang lumabas ang dalagita na bitbit ang bagong silang na sanggol na nakabalot ng kulay puting tela at iniwan sa madilim na sulok ng bus terminal.
Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng QCPD Cubao Police Station sa pangunguna ni P/Cpl Frederick Passilan.
Inaresto ang magkasintahan mula sa Penaranda Police Station, Nueva Ecija, bandang 9:00 ng umaga nitong Huwebes, Oktubre 24, matapos na iturn-over ng driver ng Baliwag bus.
