KASUNOD ng pananalasa ng bagyong Kristine, naglabas ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng isang talaan ng mga barangay kung saan mataas ang mga insidente ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa threat advisory ng MGB, nasa 1,995 barangay ang tinukoy na “flood and landslide prone areas,” kung saan pinakamarami ang nasa lalawigan ng Cagayan.
Batay sa datos ng kawanihan, lumalabas na halos kalahati ng kabuuang bilang ng mga “flood and landslide-prone barangays” ay nasa lalawigan ng Cagayan sa hilagang bahagi ng Luzon. Sa naturang datos, 802 barangay sa Cagayan ang karaniwang binabaha at nagtatala ng mga pagguho ng lupa sa tuwing bumubuhos ang ulan.
Pasok din sa listahan ang mga lalawigan ng Batanes, Isabela, Negros Oriental, Apayao, Kalinga, Ilocos, Occidental Mindoro, Palawan, Aklan, Antique, Iloilo, at Negros Occidental.
Panawagan ng MGB, ibayong ingat lalo pa’t ganap nang nakapasok sa Philippine area of responsibility ang panibagong tropical depression — ang bagyong Leon.
“Although some provinces mentioned in Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) advisories to be affected by Severe Tropical Storm Kristine are not included in the current list, they are still advised to activate the appropriate preparedness measures and monitor for future geohazard advisories, should there be any sudden changes in the rainfall forecast or weather conditions,” pahayag ng MGB.
Kapansin-pansin na karamihan sa mga lalawigang nasa talaan ay kilalang sentro ng operasyon ng pagtotroso at pagmimina.
