ANG pondo para sa kalusugan, hindi dapat gamitin sa iba pang dahilan, ayon kay Senador Bong Go, makaraang ilabas ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) na umawat sa paglipat ng “excess fund” ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa National Treasury.
Gayunpaman, nilinaw ni Atty. Camille Ting na tumatayong tagapagsalita ng Korte Suprema na hindi na bahagi ng TRO ang pagbabalik ng P60 bilyong una nang inilipat ng PhilHealth sa National Treasury — P20 bilyon noong Mayo, P10 bilyon noong Agosto at P30 bilyon ngayong buwan ng Oktubre..
Ayon kay Ting, saklaw ng TRO ang natitirang P29.9 bilyon na target ng PhilHealth ilipat sa susunod na buwan.
Sa isang pahayag, nangako naman ang PhilHealth na tatalima sa utos ng korte. — “We fully respect and will abide by the decision of the Supreme Court on the issue. We remain focused on our mission to provide all Filipinos with adequate financial protection against health risks through better and responsive benefit packages and availment policies that ensure greater access to healthcare services whenever and wherever they need them most.”
Samantala, binigyan-pagkilala ni Go ang mabilis na pagtugon ng Korte Suprema, kasabay ng giit na isang tagumpay ng sambayanang Pilipino ang paglalabas ng TRO para pigilan ang paggamit ng pondong sadyang inilaan sa kalusugan sa ibang dahilan.
“This is one big win for the Filipino people! Sulit ang ating pangungulit! “We thank the Supreme Court for heeding the calls to temporarily stop the illegal and immoral transfer of health funds from PhilHealth to finance projects unrelated to the health and wellness of our people,” sambit ng senador na tumatayong chairman ng Senate health committee.
“Ang pondo ng PhilHealth ay para sa Health!” diin ni Go na may akda ng Malasakit Centers Act.
Gayunpaman, nanindigan ang senador na hindi nagtatapos sa TRO ang laban ng mga mamamayan para sa kalusugan.
“Pero hindi dito nagtatapos ang ating krusada para sa kalusugan at kapakanan ng ating mga mamamayan. Hindi ko titigilan ang PhilHealth hanggang tuparin nila ang lahat ng kanilang pangako,” ani Go patungkol sa pagpapalawak ng benepisyo at pagbaba ng buwanang kaltas sa sweldo ng mga miyembro.
“Kasama na rito ang pagtaas ng kanilang case rates; pagpapalawak ng benefit packages; pagbaba ng premium contribution; pagkakaloob ng emergency at preventive care; pagbibigay ng dental at visual care, libreng gamot, assistive devices at iba pang pangangailangang pangkalusugan sa mahihirap; pagsasaayos ng mga outdated na polisiya nila bukod pa sa 24-hour confinement rule at single period of confinement policy na kanilang nirepaso kamakailan lamang, at marami pang iba!,”
“Habang may mga mahihirap na Pilipinong naghihingalo dahil walang pambayad sa ospital, habang may mga kababayan nating natatakot magpatingin sa doktor dahil takot sa bayarin, habang may mga kapwa nating Pilipinong namamatay na lang sa sakit dahil sa kahirapan, patuloy kong lalabanan ang mga anti-poor policies at lalo kong isusulong ang mga programa at batas na magtataguyod sa kalusugan at buhay ng bawat Pilipino,” dugtong pa ng mambabatas.
Kamakailan lang, nagpasya ng PhilHealth na ibasura ang single confinement policy sa pangungulit na rin ni Go at iba pang miyembro ng kongreso.
