HABANG tinutugis ng pamahalaan ang mga illegal POGO hubs na pinangangasiwaan ng mga dayuhan, nasa 30,000 Pinoy ang nabistong sangkot din sa industriya ng panloloko gamit ang makabagong teknolohiya.
Gayunpaman, nilinaw ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Spokesperson Winston Casio na hindi sasantuhin ng ahensya ang lahat ng klase ng online dorobo — Chinese national man o mga kapwa Pilipino.
“Alam ko pong nasasaktan po sila sa mga raid namin sapagkat nawawalan po sila ng trabaho. Kaya lang, ginagawa lang namin yung trabaho namin para naman po maibsan naman ang problema ng scam sa Pilipinas,” pahayag ni Casio.
“Just imagine kung 30,000 Filipinos are out there doing scamming, ang laking problema nun,” dugtong ng tagapagsalita ng PAOCC.
Para kay Casio, hindi dapat maging kampante ang Pilipinas, kasabay ng pahayag ng pangamba na tuluyang maging “indigenized” ang kultura ng online scam sa bansa.
“Ang kinatatakutan ko at some point, baka maging indigenized na, Pilipino na yung nagpapatakbo kasi may puhunan na sila. Hindi ko na madedeport yun, mga Pilipino yun,” aniya.
“Ang magiging problema nun, mapupuno naman ang BJMP (Bureau of Jail Management and Penology) natin. How could you possibly fit 30,000 Filipinos who are employed in the scamming industry within our jail?”
