PORMAL nang naghain ng reklamo ang pamunuan ng Century Peak Towers sa Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng pagsalakay ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa illegal POGO na nangungupahan sa naturang gusali.
Sa dokumentong isinumite kay DILG Secretary Jonvic Remulla, partikular na tinukoy ni Atty. Baby Arcega na tumatayong abogado ng Century Peak Hotel, ang di umano’y depekto sa search warrant na ginamit sa pinagsanib na operasyon ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa ilalim ni Maj. Gen. Ronnie Cariaga at ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pamumuno ni Maj. Gen. Sidney Hernia
Ayon kay Arcega, ibang kompanya ang sinalakay at hindi ang POGO company na nakasaad sa search warrant. Aniya, target ng search warrant ang kompanyang Vertex na noong nakaraang taon pa aniya umalis sa gusali. Ang sinalakay na kumpanyang Quantum, isa aniyang call center.
Inalmahan din ng abogada ang ang pananatili ng mga pulis sa ika-32 palapag na aniya’y malayo sa 23rd floor na nakasaad sa search warrant.
Dahil umano sa patuloy na pananatili ng mga pulis, nababalot ng takot ang mga nakatira sa Century Peak.
Gayunpaman, nanindigan ang PNP na lehitimo ang operasyon kung saan 69 dayuhan ang naaresto.
Ayon kay Brig. Gen. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng PNP, walang permit ang target na kompanyang Vertex Technology na kalaunan aniya’y nagpalit ng pangalan bilang Quantum Solutions.
Katunayan aniya, bahagi rin ng operasyon ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at Securities and Exchange Commission (SEC) dahil sa paglabag sa securities regulation code.
