HINDI pa man humuhupa ang kontrobersiya kaugnay ng magkasunod na operasyon sa Bataan at Maynila, isang panibagong illegal POGO hub ang nabisto sa lalawigan ng Cebu.
Sa kalatas ng National Bureau of Investigation (NBI), arestado ang isang Chinese national na kinilala sa pangalang Zhao Shou Qi na di umano’y operator ng sinalakay na illegal POGO hub sa Tourist Garden Hotel sa Barangay Agus, Lapu-Lapu City.
Ayon sa NBI Cebu District Office, Agosto 31 ng kasalukuyang taon nang unang pasukin ng mga operatiba ang Tourist Garden Hotel kung saan 169 foreign nationals ang nadakip kabilang ang 16 na Chinese nationals na di umano’y kapural sa likod ng online scam na nambibiktima sa mga Pinoy.
Sa bisa ng panibagong search warrant, binalikan ng NBI ang Tourist Garden Hotel matapos makatanggap ng impormasyon sa online illegal activities ng mga foreign nationals.
Kumpiskado rin sa operasyon ang mga voluminous computer units, electronic gadgets, safety vaults, mga dokumento at perang nagkakahalaga ng P440,620.
