NI JIMMYLYN VELASCO
TAYTAY, Rizal — Hindi magtatagumpay ang PUV Modernization program ng gobyerno, ayon kay former Ilocos Sur Governor Chavit Singson.
Ang dahilan — hindi kakayanin ng mga tsuper ang mataas na presyo ng mga modern jeeps na nirerekomenda ng Department of Transportation.
Sa isang pulong-balitaan, inihayag ni Singson ang kahandaan simulan ang mass production ng modern jeeps na Pinoy version — “May 22 seating capacity, plus six standing, air conditioned units, may makinang pasok sa panuntunan sa ilalim ng PUV modernization program, kawangis ng mga iconic jeeps na nakagisnan natin sa nakalipas na 50 taon.”
Higit pa sa garantiya ng kalidad, ibinida ng dating gobernador ang pakikipag-ugnayan sa mga transport groups at mga local government units para tukuyin ang mga lehitimong jeepney drivers na pauutangin ng unit nang walang hinihinging kolateral o paunang bayad.
Ang halaga — P1.2 milyon, malayo sa P2.8 hanggang P4 milyong presyo ng mga modern jeeps na mula pa sa ibang bansa.
“Palugi ako sa presyong yan. Pero yan lang ang paraan para magtagumpay ang PUV modernization program ng pamahalaan… sanay na naman ako malugi,” wika ni Singson sa pulong balitaan sa Bahay Kawayan sa Barangay San Juan.
“Pag tinaasan ko pa yan, hindi na ko tumutulong. Malinaw na nagnenegosyo na ko,” pahabol ng dating gobernador na kabilang sa talaan ng mga aspirante sa posisyon ng senador para sa nalalapit na eleksyon.
